Liham para kay Juan



Eleksyon nanaman, handa ka na bang bumoto? Pero bago yun alam mo na ba kung sino ang dapat mong iboto? Mahirap no? Sa dami ng pangalan sa balota sino ba talaga ang trapo at sino ang dapat maupo?

May anak ng politiko, anak ng artista, kapatid ng politiko, asawa ng politiko, pinsan ng politiko, ama ng politiko at kaibigan ng politiko. Sino sino nga naman ang magkakaroon ng interes sa politika kundi ang mga taong malalapit dito. Pero meron din namang mga bagong kandidato, hindi galing sa angkan ng politiko, hindi kilala kaya Naman sila'y nagpapakilala. Kaya ano nga ba talaga ang basehan para sa nag iisang boto natin? 




Kung ako ang tatanungin mo, bago ako boboto, iisipin ko muna ang kinabukasan ng susunod na henerasyon. Ang kandidato bang ito ay magsisilbi para sa bayan o uupo lang para may tambayan? Ang tao bang ito ay may tunay na pakialam o siya'y wala naman talagang alam. Ang iboboto ko ba ay magbibigay inspirasyon sa mga taong limot na ng bayan, o siya ba'y tulad ng ibang uubusin lang ang laman ng kaban? O ang kandidato mo ba ay sadyang sikat lang, o taong kahit kailan ay hindi mang iiwan sa pag angat ng bayan?

Juan, alam kong hindi ka mangmang. Naniniwala din ako na mahal mo ang iyong Bayan.
Juan, dito ka isinilang. Hahayaan mo na lang bang madungisan ang Perlas ng Silangan?
Juan, alam mo bang ang mga kabataan ay naghahangad ng magandang kinabukasan?
Juan, pakiusap ko lang, bumoto ka ng may intigredad at kagalakan.
Juan, umaasa sayo ang buong sambayanan.
Juan, ang nag iisang boto mo, kanino mo ilalaan?

Nagmamahal,

Ang iyong Kinabukasan




Comments

Popular posts from this blog

Ang Tanong: Mahal ko pa siya, bibigyan ko pa ba ng chance?

One Day Mission: Stylist and Make-up Artist

Star Magic Ball 2012 Top 10 (Female)